Miyerkules, Nobyembre 16, 2011

DULA ng "Bakas ng Lumipas"


DULA ng Bakas ng Lumipas



Bakas ng Lumipas

(Dulang may Isang Yugto)


Ni Genoveva Edroza Matute


Mga Tauhan:

        

Lola Fe                   Matandang may 75 na taong gulang.

Ada                            Batang may 15 taong gulang.

Sister Luz             Madre, 35 taong gulang.

Aling Sabel         Nangungupahan, 65 taong gulang.

Mang Juan            Asawa ni Aling Sabel, 67 taong gulang.

Dorie                         Apo nina Aling Sabel at Mang Juan, 15 Taong 

Gulang.


Panahon: Kasalukuyan


Unang Tagpo      

       Ikalawang Palapag ng malaking bahay sa Ermita. Mamahalin ang mga kasangkapang sinauna sa makikita sa salas. May pinturang gawa ni Amorsolo. Sa kanan anng tulugan ng may-ari; sa kaliwa ang silid ng utusan. May pinto sa gitna, itaas ng hagdanang galing sa Ibaba.


 (Sa pagkabukas ng tabing, makikitang binubuksan ni Dorie ang pinto sa gitna. Papasok si Sister Luz at Ada.)


Dorie :              Sister!


Sister Luz :     Oh, Dorie! Gising na ba’ng Ma’am mo?


Dorie :     Gising na, Sister . . . Pero natulog uli. Nagalit pa nga sa ‘kin eh. Pero hindi ko kasalanan . . .  kasi . . . kasalanan ko ba ‘yon, Sister, kung . .


Sister Luz :     Dorie. Ibig ko lang malaman, kung gising na ngayon . . . ngayon, hindi kanina!


Dorie:     Eh, gising na nga ho, pero natulog uli . . . Siguro ho, tulog pa hanggang ngayon. Aba, Sister, sino ho iyang kasama ninyo? Kilala ho ba iyan ni Ma’am Fe?


Sister Luz:     Katukin mo na, Dorie. Marahan lang, baka tulog pa nga.


Dorie:     (Nagsasalita habang papunta sa kanan,, sa pinto ng Tinutulugan ni Lola Fe.) Baka magalit na naman sa ‘kin a! Sana, tulog pa . . . kasi, kung gising . . . (Marahang kakatok sa pinto ni Fe.)


Lola Fe:     (Mula sa loob.) O, Bakit?


Dorie:     Ma’am, si Sister Luz . . . may kasama pa, eh. . . . siguro kamag – anak ninyo.


Lola Fe:     (Hahadlangan.) Sabihin mo, nariyan na!


Dorie:     (Babalik kina Sister Luz at Ada.) Nariyan na ho, . . . sabi . . . Nariyan na . . . pero wala pa! Baka tingnan ang pinagagawa sa ‘kin . . . makagalitan na nanaman ako . . . tatapusin ko na. Nakuuuuuu! (Lalabas sa kaliwa Mapapatingin si Sister Luz at Ada.)


Sister Luz:     (Natatawa.) Nakakatawang nakakayamot iyang si Dorie, oo!


Ada:      Ho?


Sister Luz:     Hindi mo ba napapansin? Imbes sumagot nang maikli sa tanong, ang dami pang idinadagdag . . . Iyan and madalas ikainis diyan ni Lola Fe.


Ada:     Sister, may katulong nanaman ho pala si Lola, bakit po ninyo ‘ko ibinigay sa kanya?


Sister Luz:     Siya ang sadyang nagbilin sa akin buhat sa ating ampunan.


Ada:     Baka ho hindi niya ‘ko magustuhan.


Sister Luz:     Bakit Hindi?


Ada:     Baka ho tanungin ako tungkol sa . . .  sa aking mga magulang . . . Alam ninyo naman, Sister, wala akong masasabi.


Sister Luz:     Hindi mo kasalanan kung hindi mo sila nakilala, iha. . . . nang basta iwanan ka . . . roon


Ada:     Baka ho hindi ako magustuhan. . . .


Sister Luz:     Magugustuhan ka, Iha. . . . pareho kayong tahimik, eh. Mapapansin mo, pah naririto ka na . . . palagi siyang tahimik . . . Ang totoo, wala isa man sa nanguungupahan sa silong nitong bahay niya ang nakakaakyat dito. Hangga’t maaari, ayaw niyang maririnig ang doorbell. Nakita mo, ni hindi tayo nag doorbell kanina.


Ada:     Oo nga po.


Sister :     Sabi ko sa iyo, pareho kayo ng ugali.


Ada:      Tagala ho bang nag – iisa na siya?


Sister Luz:     Oo, ulilang lubos si Lola Fe. Napata yang pamilya niya noong panahon ng Hapon. Mabuti nga ‘ka mo, hindi nasunog ang bahay nilang ito nang maglalabanan dito ang mga Hapon at Amerikano.


Ada:     Kawawa naman pala si Lola.


Sister Luz:     Maraming kawawa sa mundong ito, Ada. (Mabubuksan ang pinto sa kanan. Lalabas si Lola Fe. Sasalubungin nina Sister Luz at Ada.


Sister Luz:     Magandang umaga po, Lola.


Lola Fe:       Salamat dumating ka, Sister.


Ada:     (Hahalikan sa kamay ang Matanda.) Mano po, Lola.


Lola Fe:     (Kay Sister Luz.) Ito ba, Sister?


Sister Luz:     Oho . . . Si Ada ho, dalagita na.


Lola Fe:     Tinanong mo ba kung payag siya rito?


Sister Luz:     Oho. Kinausap ko siyang mabuti doon pa sa amin. Payag naman ho siya. . . . Kung magugustuhan daw ninyo siya.


Lola Fe:     (Titingnan si Ada.) Aba, sa tingin ko’y . . . (Titigil at titingin kay Sister Luz. Mauunawaan nito sa babaling kay Ada.)


Sister Luz:     Ada, tignan mo muna kaya iyong kwarto ni Dorie. Doon ddin lang kayong dalawa kung magkakasundo kayo ni Lola. Hane?


Ada:     Oho, Sister (Papunta sa kaliwa, sa dako ng silid ni Dorie)


Sister Luz:     Lola, ano sa tingin ninyo?


Lola Fe:     Mukhang mahusay ang napili mo, Sister . . . saka . . . magaan and dugo ko.


Sister Luz:     At tahimik iyan, Lola . . . kung hindi ninyo kausapin ay hindi iyan kikibo kahit maghapon.


Lola Fe:     Ay, salamat! Hindi gaya ni Dorie, ha?


Sister Luz:     A, ganoon ho ba?


Lola Fe:     Oo, apo iyan nina Juan at Sabel. Madaldal ang isang iyan, e . . . Kinukulili ang tenga ko.


Sister Luz:     (Matatawa.) Napansin ko nga ho! Naku, magugustuhan ninyo itong dala ko . . . tahimik.


Lola Fe:    Mukha nga! Ulila na ba o baka babalikan sa inyo ng magulang?


Sister Luz:     Hindi na ho, Lola. Hindi ho naming nakilala ang mga magulang ni Ada. Iniwan ho siya sa pinto noong sangol pa siya.


Lola Fe:     (Malulungkot.) Kawawang bata! Alam ba niya ang tungkol doon, Sister?


Sister Luz:     Oho. Sabi ho ng Mother Superior naming doon, kung magtatanong ang bata tungkol sa kanyang pinagmulan, ipagtapat namin . . . Magin maingat lamang sa pagsasabi. Pero kung hindi naman mag tatanong ay hindi naming pangungunahan ng pagsasabi.


Lola Fe:     Kung gan’on, si Ada ang kusang nagtanong?


Sister Luz:     Madalas ko siyang nakikitang malayo ang tingin. . . tahimik na umiiyak. Nagaan – gaanan nang sabihin ko sa kanyang . . . walang nangyari sa balat ng lupa na hindi kalooban ng Diyos.


Lola Fe:     (Magiging matigas na guhit ang labi, mananalim ang mga mata.) Hindi. Hindi lahat ng nangyayari ay kalooban ng Diyos.


Sister Luz:     (Magugulat.) Lola!


Lola Fe:     Talaga! Hindi Lahat!


Sister Luz:     Kahit ho anong sama, Lola, kung hindi kaloob ng  . . .


Lola Fe:    (Hahadlang Matigas.) Tatawagin mo na siya, Sister!


Sister Luz:     Ho? Aba, oho . . . oho! (Papunta sa kaliwang dulo, Tatawag.) Ada! Ada, halika muna.


Ada:     (Sa Loob.) Oho, Sister. (Papasok) Sister?


Sister Luz:     Iha, Pinatatawag ka na ni Lola. Ayos na.


Ada:     (Malulungkot.) Iiwan ninyo na ‘ko, Sister?


Sister Luz:     Aba, madalas naman akong paparito, a. Saka, tawagan mo ‘ko sa telepono, ha? Pero, Ada, hihingi ka muna ng permiso kay Lola.


Ada:     Oho! (Lalapit sila sa kinauupuan ni Lola Fe.)


Sister Luz:     Lola, pa’no ho? Aalis na ‘ko. Maaari ho bang matawagan ko si Ada sa telepono, paminsan – minsan?


Lola Fe:       Aba, oo . . .  at siya man, Basta iikaw ang tatawag.


Ada:     Lola, maaari ko po bang ihatid hanggang sa ibaba si Sister?


Lola Fe:     Oo, sige, paparituhin mo muna si Dorie, bago kayo manaog.


Ada:     Opo. (Papuntang sa gawing kaliwa, tatawag.) Dorie? Dorie, tawag ka ni Lola. (Papasok na magkasabay sina Ada at Dorie. Lalabas sa gitnang pinto sina Sister Luz at Ada upang manaog. Isasara bagaman hindi ilalapat ang Pinto.)


Lola Fe:     Dorie, magpaakyat ka kay Lolo Juan ng isa pang Higaan, para kay Ada. Kayong dalawa sa kwarto mo.


Dorie:     (Matutuwa.) Ayun, may kasama na ‘ko! Tagasaan siya, Lola? May Lolo at Lola ho ba siyang gaya ko? Ilan taon na ho siya? Siguro, Grade Six siya. Ako, Grade Two lang, kasi . . .


Lola Fe:     (Hahadlang.) Husto na! Basta mamaya, magpaaakyat ka ng higaan. At ikaw, madalas ka nang natutulog kina Lolo Juan at Lola Sabel mo doon sa kanila.


Dorie:      Oho . . . nagtitinda nga hi ng lugaw at tokwa’t baboy si Lola Sabel kasi, wala siyang pera.  Ang Lolo Juan naman, wala ring pera . . .


Lola Fe:     Husto na! Husto na!  (Magbubukas ang Pinto. Papasaok si Ada, Ilalapat ang pinto.)


Ada:     Umalis na po, Lola, si Sister.


Lola Fe: Oh Sige. Kayong dalawa nitong si Dories a kwarto doon, ha? Ipag-aakyat ka ng higaan ni Juan . . . Lolo iyon ni Dorie.


Ada:     Salamat po, Lola.


Lola Fe:     Ada, anong oras ka ba kung gumising, ha?


Ada: Alas – Singko po, Lola.


Ada:      Opo.


Dorie:     Magluluto tayo ng almusal, tapos, maglilinis ng bahay . . .tapos, papanaog ako., kasi alam mo, Ada, sabi ni Lola Sabel . . .


Lola Fe: (Hahadlang.) Sige, Sige . . . dun na kyo. (Palayo, pakanan, patungo sa kanyang Silid.) Ang hihigan ni Ada, Dorie!


Dorie:     Oho! (Kay Ada.) Ang Kulit niyang matandang iyan . . . sabi nga ng Lolo Juan ko, pasensya na ‘ko . . . kasi, ‘ala silang pera. . . hindi nakapagbayad sa silong . . . Ang tindang lugaw ni Lola Sabel. . . hoy, masarap ang Lugaw ni Lola ko! , Tikman mo, saka . . .


Ada:      Mabuti pa. Tena! (Bubusan ng Dalawa ang Pinto sa Gitna para manaog.)


Ikalawang Tagpo


(Magdidilim ang tanghalan. Magliliwanag. Magdidilim muli. Magliliwanag. Tatlong ulit ito. Sa ikaapat, bagong araw na. Makikitang nagpupunas ng mga kasangkapan si Ada sa salas. Mabubuksan ang pinto sa gitna. Papasok si Mang Juan.)


Mang Juan:     Hoy, Ada, nakita kong umalis si Lola Fe. Nagtaksi.


Ada:     Magandang umaga ho, Mang Juan.


Mang Juan:     Sinabi ba kung saan siya pupunta?


Ada:     Sa Doktor daw ho niya, Mang Juan. Sasamahan ko, pero ayaw.


Mang Juan:     Kung ayaw niya, di huwag!


Ada:     May kailangan ho ba kayo, Mang Juan, kaya kayo umakyat?


Mang Juan:     Wala naman. Inusyoso ko lang itong taas. Alam mo na siguro, Ada, walang makakaakyat ditong tagasilong kung naruti ang matandang iyan. E, nakita ko ngang umalis, nagtaksi


Aling Sabel:     (Papasok.) Juan!


Mang Juan:     O, bakit, Sabel?


Aling Sabel:     Sabi ko na nga ba’t narito ka, e. Nakita kong umalis si Tanda.


Mang Juan:     Ito ang bagong kasama ng apo natin dito, Sabel.


Aling Sabel:     A, ikaw ba?


Ada:     Oho, Aling Sabel. Sa’n ho si Dorie? Wala sa kwarto namin!


Aling Sabel:     Naro’n sa katabi naming nangungupahan sa silong. Nakikipagkwentuhan. Parang preso rito sa itaas ang apo ko pag narito si Tanda.


Mang Juan:     Talaga naman! Ayaw papanaugin! Wala naming pinaaakyat dito!


Aling Sabel:     E, kasi, delikadong talaga ang pamilyan iyan, Ada. . . Ada  nga ba’ng pangalan mo?


Ada:      Oho.


Aling Sabel:      Mayaman sila! Kita mo naman hanggang ngayon, malaki ang bahay . . . antigo ang mga kasangkapan. E, naggiyera na! Pumasok ang mga Hapon!


Mang Juan:     Napata ang buong pamilya!


Aling Sabel:     Iyan lang Fe na iyan ang hindi napatay.


Mang Juan:     Nakatakas ba, Sabel, o ano’ng nangyari?


Aling Sabel:     Oo . . . matagal yatang naospital muna.


Ada:     Kawawa naman si Lola!


Mang Juan:     Kawawa ba iyong malaman?


Aling Sabel:     Kaming mahirap ang kawawa. Bata pa ‘ko noong nakatira sa likuran nila . . . mahirap noon, hanggang ngayon pa!


Mang Juan:     Este, Ada . . . may maibibigay ka ba sa ‘min kahit ano riyan, ha?


Ada:     Ho?


Mang Juan:     Kahit anong sobra dito . . . itlog . . . bigas . . . de-lata


Ada:     Ho? Naku, e . . . e . . .


Aling Sabel:     Hoy, magsumbong pa iyan! Kay Dorie ka na lang magpakuha.


Mang Juan:     Mabuti pa nga! Tena, Sabel, baka bumalik na iyon.


Aling Sabel:     Oo nga, ano! (Pupunta sa pintong nakabukas at sisigaw.) Dorie! Dorie! Halika nga, bata ka!


Mang Juan:     Dalian ninyo! Baka maabutan pa tayo rito!


Aling Sabel: (Sinisigaw Uli.) Dorieeeeeeeeeeeeeee!


Dorie:     (Papasok sa pinto, humihingal.) Bakit ba? (Bubulungan si Aling Sabel si Dorie. Lalabas sa pinto sina Mang Juan at Aling Sabel; tatakbo sag awing kaliwa si Dorie.)


Aling Sabel:     (Mula sa makayo, Pasigaw.) Baka bumalik iyon, dali! (Mula sa kaliwa, patakbong papunta sa pintong nasa gitna para manaog, may dalang nakabalot sa plastic. Sinusundan ng tingin ni Ada.)


Ada:     Bakit, Dorie?


Dorie:     (Papasok sa pinto, hinihingal.) Wala. Ada . . .huwag kang magsusumbong, ha?


Ada:     Bakit, ano ba iyon?


Dorie:     Itlog lang, kape, asukal! Pag nagsumbong ka, oras mo sa ‘kin! Sasabunutan kita! Kasi, ganito iyon, Ada . . . ang lolo at lola ko. (Maririnig ang tunog ng awtong hihinto sa ibaba.)


Dorie:     Naku, ayaw na si Lola Fe! (Tatakbo sa kaliwa, gawi ng silid niya. Sasalubong si Ada sa itaas ng hagdanan. Aakayin si Lola Fe at iuupo sa salas. Aalisin ang sapatilya at I aabot ang tsinelas.)


Ada: Lola, ayos na ho ang katre ninyo! Baka gusto ninyong humiga na!


Lola Fe:     (Pagod.) Dito na lang muna. Napapagod ako!


Ada:     Ikukuha ko po kayo ng maainom . . . Malamig pong juice o maiinit na kape? Tsaa po, Lola?


Lola Fe:     Ayoko. Salamat, Ada. Pinainom na ako sa clinic ni Dr. Cua.


Ada:     Sana po, Lola, mabuti na’ng pakiramdaman ninyo ngayon.


Lola Fe:     A, oo! Hindi gaya kanina! Hindi ako makahinga!


Ada:     Ho? Sana po, tinawag ninyo ako agad.


Lola Fe:     Kaya ko pa naman, e. Pasama yata ang sakit ko sa puso. Sabi ni Dr. Cua, baka kailangan kong magpa by-pass. Ayoko nga!


Ada:     Lola, e kung talaga pong kailangan . . .


Lola Fe:     Ayoko na! Matanda na ‘ko . . . (May magkahalong pait at galit.) Saka . . . matagal ko nang gusting mamatay . . . noon pa mang Araw!


Ada:     (Basag ang tinig.) Lola Naman . . . . . .


Lola Fe:     Talaga!


Ada:     Turo pos a ‘min sa ampunan, magapasalamat sa Diyos sa mahabang buhay.


Lola Fe:     Para sa inyo! Pero sa akin? Hindi! Hindi!


Ada:      Dahil ulila po kayo? Ako man po, Lola, ulila na ring lubos.


Lola Fe:      Hindi dahil doon!


Ada:     Hindi po?


Lola Fe:     Mabuti na ngang wala na ang lahat . . . patay na silang lahat ng bumalik ako rito.


Ada:     Anong sinasabi ninyo, Lola?


Lola  Fe:     Ayokong pati sila ay magdala pa ng . . . ngg kapaitang dala ko!


Ada:     Lola.


Lola Fe:     Hindi ko maintindihan . . . Ihatid mo na ako sa kwarto ko!


Ada: Opo! (Ihahatid ni Ada sa kanang kwarto si Lola Fe at isasara ang pinto.)



Ikatlong Tagpo


(Magdidilim ang tanghalan. Magliliwanag. Magdiddilim Muli. Magliliwanag. Sa ikatlong ulit, mananatili ang liwanag. Papasok sa gitnang pinto sina Lola Fe at Ada, galing sa pagsimba. Aabutang nakaupo sa sala si Sister Luz.)


Lola Fe:     Aba, narito napala si Siter!


Sister Luz:     (Nakamayan si Lola Fe.) Kumusta kayo, Lola? O, ano, Ada?


Ada:     (Yayakapin ni Sister Luz at Hahalikan sa pisngi.) Sister!


Sister Luz:     Nag samba kayong dalawa?


Lola Fe:      Oo, naglakad na lang kami ni Ada . . . malapit naman ang simbahan.


Ada:     Gusto ng Lola . . . exercise din daw po, Sister.


Sister Luz:     Oo naman. O, nakinabang ka ba, Ada? Baka nakakalimutan mo na!


Ada:     Naku, hindi ho, Sister. Linggu – Lingo ho.


Sister Luz:      Gano’n nga . . . Aakyatin mo si Lola sa pila, sa tuwing makikinabang kayo.


Ada:     A . . . . . e . . . . . e . . .. kuwan . . .


Lola Fe:     (Mapait.) Hindi niya ‘ko kailangan akayin, Sister! Hindi azko nakikinabang! (Titingin kay Ada. Iiling si Ada.)


Lola Fe:     (Hahadlang, matigas, mapait.) Hindi ako makakahingi ng patawad sa Diyos. . . sapagkat . . . hindi rin ako nagpapatawad!


Sister Luz:     Diyos ko! Matuto kayong magpatawad, Lola. Matanda na kayo at . . .


Lola Fe:     (Hahadlang.) Hindi! Hindi kailanman! (Iiwan sina Sister Luz at Ada, mag – isang pumasok sa kanyang silid sa kanan; ilalapat ang Pinto.)


Sister Luz:     Ada . . .


Ada:     Iyon nga ho ang ipinagtataka ko, Sister. Nagsisimba si Lola pero kahit minsan, hindi nagmunyon.


Sister Luz:     Sino kaya ang kunapopootan niya nang gayon na lamang na hindi niya mapatawad? Hindi kaya ang pumatay sa buo niyang noong panahon ng giyera?


Ada:     Ewan lang ho . . . kasi nasabi sa akin ni Lola . . . mabuti nga raw ulila na siyang Lubos . .. . para hindi madalhan pa sila ng . . . ano nga ba’ sabi . . . (Saglit na nag-isip.) sabi . . . ng kapaitan na dala niya nang siya’y bumalik dito.


Sister Luz:      Subukin mong magbalik ang liwanag ng Diyos kay Lola, Ada . . . matuto siyang magpatawad.


Ada:     Sister, hindi ho ba sabi ninyo sa amin noon . . . ang hindi nagpapatawad sa kapwa ay hindi rin patatawarin ng Diyos . . . sabu ninyo noong araw?


Sister Luz:     Oo, noon,  ngayon at sa hinahaarap, totoo iyon. Kung ang Diyos ay nag papatawad, tayo pa kayang makasalanan ang hindi matututong magpatawad sa kapwa nating makasalanan?


Ada:      Iyon nga ho sana ang gawin ni Lola . . . abakit at may sakit pa naman siya sa puso.


Sister Luz:     Paano mo nalaman?


Ada:     Iyon nga ho sana ang sakit niya . . . baka raw kailangang magpa – by . . . by . . . ano nga iyon?


Sister Luz:     Magpa – By-pass?


Ada:      Oho, iyon nga, Sister . . . magpa – by – pass . . . Ano ho ba iyon, Sister?


Sister Luz:     May Parteng daluyan ng dugo sa puso na nagbabara . . . kailangann palitan ng ugat na nanggagaling sa ibang parte ng katawan.


Ada:     Gan’on po ba? E, ayaw daw niya.


Sister Luz:     Tumanggi si Lola?


Ada:     Oho . . . sabi sa ‘kin, ayaw niya! Ang totoo raw, matagal na niyang guston mamatay.


Sister Luz:     Sadyang napakabigat ang dinadalang kapootan sa kalooban ni Lola. Ipagdasal natin siya, Ada! Ipagdasal natin!



Ikaapat na Tagpo

(Madilim ang tanghalan. Magliliwanang. Mauulit ang ganito nang tatlong ulit. Sa ikaapat, mananatili ang liwanag. Lalabas mula sa kanilang silid sag awing kaliwa sina Ada at Dorie patungo sa salas. Nakadamit panlakad si Dorie, may bag at plastic na supot na dala.)



Dorie:     Ikaw na, Ada, ang maglinis ng kwarto natin, ha? At pagkatapos . . .


Ada:     Oo.


Dorie:     (Patuloy.) Isunod mong labhan iyong mga damit ni Lola . . . Baka naman mga damit mo lang ang isusunod mo . . . iyon akin, iiwan mo na . . . baka . . .


Ada:    (Hahadlang.) Ikaw naman, ganun ba kasama ang ugali ko?


Dorie:     Alam mo? Gusto ko sana magsine muna bago kami mamili ni Lolo Juan at Lola Sabel . . . matagal na ‘kong hindi nakapagsine, baka akala mo . . . ano nga ba iyong pelikula ni Nora Aunor na pinalalabas . . .


Ada:    (Hahadlangan] Sige, edi yayain mo sila.


Dorie:     Walang pera ang dalawang iyon! Ako pa’ng aasahan!


Ada:     Bagong sweldo ka naman, ha!


Dorie:     Maski na! Bibili ‘kong sapatos. Buti nga pinayagan ako ni Lola Fe na makalabas ngayon . . . kasi  . . . kung minsan . . .


Ada:      (Hahadlangan.) O, sige, lakad na Dorie . . . baka hinihintay ka na sa silong ng Lola’t lola mo!


Dorie:     (Papanaog, papalayo ang tinig.) Maglinis ka, ha? Maglaba!


Ada:     Oo na! (Isasara ang pintong panggita na nilabasan ni Dorie. Iiling – iling, natatawa.) Itong si Dorie, Oo! (Makikita ang mga naka kalat na magasin, isa – isang aayusin at ilalagay sa sadyang lalagyan sa ilalim ng mensang pansalas. Marahang huhuni ng ilang awitin. Mula sa silid ni Lola Fe sag awing kanan, maririning and tawag, hirap na paghinga.)


Lola Fe:     Ada . . .


Ada:     Aba, si Lola. (Magmamadaling bubuksan ang pinto ng silid. Lalabas na nahihirapang huminga si Lola Fe. Aakayin ni Ada, pauupuin sa sopa.) Lola . . . .


Lola Fe:     (Pahirap nang Pahirap ang paghinga hanggang katapusan.) Nagbihis na nga ako. . . . pupunta ‘ko sa Doktor. (Tutop ang Dibdib.)


Ada:     Naku, sandal lang po . . . tatawag ako ng taksi, sasamahan ko po kayo.


Lola Fe:      Huwag na, isanndal mo na lang ako dito. (Isinandal ni Ada si Lola Fe sa sopa.)


Ada:     Magpapatawag po ako ng taksi kahit na sino sa silong. Kailangang madala kayo sa Doktor!


Lola Fe:     Ayoko! Ayoko! Huwag mo lang ako iiwan.


Ada:     Hindi po! Hindi po!


Lola Fe:     Ada alam kong . . . hindi na ‘ko . . . mag TATAGAL!


Ada:     Lola . . . Lola . . . kahit ni Sister Luz . . . tatwagan ko na sa telepono.


Lola Fe:     Huwag na! . . . . . Huwag na . . . . . basta huwag mo ‘kong iiwan.


Ada:     Hindi po. (Marahan, taimtim.) Diyos ko! Diyos ko!


Lola Fe:     (Mapait.) Gusto ko ring tumawag sa Kanya. Gusto kong humingi ng patawad.


Ada:     Tumawag tayo. (Marahang Umiiyak.) Pakikinggan po tayo!


Lola Fe:     Hindi! Dahil hindi ako maaaring . . .  mag – patawad!


Ada:     Lola naman . . . .patawarin mo po ninyo kung sino man iyon! Hindi po patatwarin ng Diyos ang Hindi magpatawad sa kapwa!


Lola Fe:     Hindi! . . . Hindi ko sila maaaring patawarin kailanman.


Ada:     Sila? . . . . . sino pong sila?


Lola Fe:     Ihiga mo ‘ko . . . . dito!


Ada:     (Ihihiga ni Ada si Lola Fe sa Sopa.) Sandali lang . . . tatawagan ko lang . . .


Lola Fe:     (Hahadlang.) Sabi nang Ayoko! Ayoko!


Ada:     Pero . . . . .


Lola Fe:     Lalo akong hindi makakahinga! . . . . Isandal mo ako! (Isasandal na muli ni Ada ang matanda.) Ipagdasal mo ako para Niya ‘ko patatawarin. Pakikinggan ka Niya.


Ada:     Opo. . . . pero kailangan din pong kayo ay magpatawad . . . para Niya ako mapatawad!


Lola Fe:     Walang katulad ang ginagawa nila sa akin.


Ada:     Nila?


Lola Fe:     Ng mga hayop na iyon! Mga hayop na iyon . . . Hindi tao! Hayop! Hayop!


Ada:        Lola . . . Lola . . .


Lola Fe:     Kinulong nila ako!


Ada:      Nino? Saan?


Lola Fe:        Sa Malayong Probinsya! Sunud – Sunod ang mga hayop na iyon . . . sa . . . sa . . . . sa Paglapastangan . . . sa akin!


Ada:     Naku, Diyos ko!


Lola Fe:     Hindi ko mapapatawad ang mga sundalong iyon! Hindi!


Ada:      Mga Sundalo pong Hapon?


Lola Fe:     Oo!  (Yayakapin ni Ada si Lola. Kapwa sila umiiyak nang marahan. Katahimikan. Nag – aantanda si Ada. Gayundin si Lola Fe. Higit ang balikat ni Lola.)


Lola Fe:    (Pahina, wala nang kapaitan.) Pinatawad ko na sila . . . ang bawat sa kanila! Diyos ko! , Patawarin mo rin ako! ( Malulungayngay.)


                                                WAKAS . . . . .


Copyright. St. Mary's Academy of Sta. Ana Manila (2011 - 2012)

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento