Biyernes, Nobyembre 18, 2011

DULA ng Kapangyarihan



KAPANGYARIHAN 
Clodualdo del Mundo




Mga Tauhan: 


Bernado - isang taong katangi-tangi ang lakas 
Berting - (8 taon) - ang anak niyang sumasamba sa kaniya 
Iba pang mga anak at mga ama.

(Pagbubukas ng tabing ay makikita ang isang pulutong ng nagsisipaglarong mga bata. Di-kawasa'y nag-away ang dalawang batang lalaki.)


Batang Maliit(Mangiyak-ngiyak.) Akala mo yata porke maliit ako ay kaya mong lokohin…ihahanap kita ng kapareho mo, o…

Batang Malaki - Marami ka pang sinasabi, miski na sino!

Batang Maliit - Kay Berting ka ,o…

Batang Malaki - Ang laki-laki naman ng tatay ng ipinapareho mo sa akin e. Kung bugbugin pa ako ng tatay niya…huwag na!

Batang Maliit - Sabihin mo'y talagang takot ka! (Nagpalitan ang ibang mga bata sa dalawang magkakagalit.)

Unang Bata - Siya nga naman. Bakit mo iintindihin ang kanyang tatay? Miski ba ang tatay mo ay di malakas din. Manhik-manaog ang tatay mo'y kaydaming dinadalang tao, kahit maghapon ay di napapagod, di ba malakas din iyon?

Batang Babae - Bakit, ano ba ang tatay niya?

LahatHa, ha, ha, kaylakas-lakas nga!

Batang Malaki - Basta puwera si Berting. Masyadong higante ang kaniyang tatay. Baka pati tatay ko'y gulpihin niya.

Berting - (Narinig ang usapan.) Ano ang sinasabi mo, tungkol sa aking tatay?

Batang Malaki - Aba, wala naman akong sinasabing masama laban sa tatay mo, a. Ang sabi ko pa nga'y malakas ang tatay mo, e.

Berting - (Nasiyahan) Tama ang iyong sinabi. Isang Marikanong negro man ay hindi maaaring patumbahin ang aking tatay.

Isang Bata - (Hangang-hanga) Siya nga ba?

Berting - (Lalong nagmamayabang.) Maniwala kayong lahat. Isang araw, ang tatay ko'y pinagtulungan ng pitong taong holdaper - alam ninyo ang nangyari?

Lahat - (Buong pananabik.) Ano ang nangyari?

Berting - Kaliwa't kanan ang ibinigay niya. Tumbang lahat! Pagkatapos ay isinabit niya sa mga sanga ng punong mangga ang malalaking katawan ng mga humarang sa kanya.

Unang Bata - Walang-hiya…ang lakas, ano?

Batang MalakiPero, Berting, kahit na malakas ang tatay mo, may araw ding makakatagpo siya ng kasukat.

Berting - (Magpapating ang tainga.) Ano ang sinasabi mo? Dito sa buong Pilipinas, pustahan tayo, walang lalakas sa tatay ko!

Batang Malaki - Masiyado ka namang hambog…

Berting - (Itutulak ang bata.) E, ano lalaban ka ba? Sinabi ko sa iyong walang lalakas sa aking tatay…tapos ang kuwento!

Batang Malaki - Huwag kang mainit, tsip. Kung malakas ang tatay mo…e, di malakas!

Berting - (Nasisiyahan.) Iyan ang tama, moy. (Lalabas sa tanghalan si Bernado, na pagkalaki-laki.)

Berting - (Buong pagmamalaki.) Tatay!

Ikatlong Bata - (Halos sa sarili'y naibulong.) Walang hiya, higante ito!

Berting - Tatay, ang sabi ko sa aking mga kaibigan ay pinakamalakas ka rito sa atin at kahit na saan.

Bernado - A-ha…Tama ang sabi mo, Berting. Ang tatay mo'y lalakas…walang kasinlakas!

Berting - 'Tay, ipakita mo nga iyong lakas sa kanila, ang iyong katawang maskulado, ang iyong muscles.

Bernardo - A-ha…o, eto! (Magpapakita ng gilas naman na lalong ikahahanga ng mga bata.)

Berting - (Buong pagmamalaki.) Ano ang sabi ko sa inyo?

Ikatlong BataTalagang Bernardo nga ang bagay na ngalan ng tatay mo, para siyang si Bernardo Carpio. (Lalabas sa tanghalan si Joseng Arbularyo, ang ama ng malaking bata.)

Berting - Mang Jose…

J. ArbularyoAno iyon, Berting?

Berting - Ipakita nga ninyo ang inyong lakas sa aking tatay. Tingnan ko, kung mayroong lakas na makukuha sa mga ugat ng halaman.

Bernardo - Bakit, anak, mayroon bang sinabi sa iyo si Mang Jose Arbularyo tungkol sa aking lakas? (Lalapitan si Joseng Arbularyo na ang kaliita'y nanginginig sa harap ng napakalaking si Bernardo.)

J. Arbularyo - (Nanginginig sa takot.) Aba, Mang Bernardo, wala naman akong sinasabi tungkol sa inyo.

Berting - Wala nga kayong sinasabi pero itong anak ninyo, (Ituturo ang malaking bata.) ay parang may ibig itawad sa lakas ng aking tatay.


Bernardo - A…kailangang patunayan ko sa harap ng inyong anak ang kapangyarihan ng aking lakas, gayon ba, maginoong Arbularyo? (Pinitsirahan at itinaas ang arbularyo ng isang kamay niya.) Ano, naniniwala ka na ba?


Malaking Bata - Opo, opo…malakas nga kayo, Mang Bernardo! (Dahan-dahang ibinaba ni Bernardo si Joseng Arbularyo.)

Bernardo - Ngayon, ginoong Arbularyo, marahil ay kilala na ninyo ang kapangyarihan. Iyang gamut-gamot ninyo-a, iya'y walang kabuluhang lahat sa kapangyarihan sa kapangyarihan ng aking lakas.

J. Arbularyo - Siya nga, Mang Bernardo. (Lalapitan at pipirutin ang tainga ng kaniyang anak.) Halika nga, sa bahay tayo mag-usap nang masinsinan. (Aalis sa tanghalan si J. Arbularyo at ang anak ay umiiyak ng aruy!)

Bernardo - Arbularyo o medikong tunay man, lahat sila'y pareho sa akin. Ang dunong ay hindi lakas. Ang lakas ay kapangyarihan. (Lalabas sa tanghalan si Juwang Pastor.)

J. Pastor - (Na ang tinutukoy ay ang kanyang anak, ang Unang Bata.) Monching umuwi ka na sa bahay…

Unang BataPero, 'Tay, nanonood pa po ako kay Mang Bernardo, e.

J. Pastor - Sinabi kong ikaw'y umuwi na. (Susunod ang Unang Bata. Susundan na sana ni J. Pastor ang kaniyang anak, nguni't siya'y hinarang ni Bernardo.)

Bernardo - Tila wala kayong gusto sa akin, ho, maginoong Pastor?

J. Pastor - (Mahinahon) Walang dahilan upang ako'y mamuhi o humanga sa inyo.

Bernardo - Pero, kayo'y mayroong bagay na kinikilala, hindi ba?

JPastor - Kumikilala ako sa iisang bagay.

Bernardo - Sa anong bagay, maginoong Pastor?

J. Pastor - Sa lakas ng kapangyarihang hindi natin nakikita ngunit nakapangyayari sa lahat.

Bernardo - A…Kalokohan, kalokohang lahat ang sinasabi ninyo! Ang kapangyarihan ay nasa lakas…sa lakas na maaaring gamitin at maramdaman.

JPastor - Ang lahat ng lakas ay nagmumula sa iisang kapangyarihan.

Bernardo - (Yamot) Maginoong Pastor, ngayon din ay ipakikilala ka sa inyo kung ano ang lakas na ibig kong Sabihin. (Sasakalin si Pastor.)
(Mapapatingin sa anak, luluwagan ang sakal.) Para sa iyo, Berting, ay sa ibang araw ko na patutunayan ang ibig kong sabihin sa maginoong Pastor.
(Aalis si J. Pastor, samantalang hinihimas ang kanyang liig. Sa yugtong ito'y maghihiwa-hiwalay na rin ang mga bata.)

Ikatlong Bata - Sayang! Kuwarta na sana ni Mang Pastor! (Susunod sa pag-alis ng iba. (Susunod sa pag-alis ng iba.)

Bernardo - (Sa kaniyang anak.) Iyan ang tatandaan mo Berting. Para mabuhay sa ibabaw ng mundo ay kailangan ang lakas. Ang lahat ng iyong gusto, ang lahat ng bagay, ay makukuha mo sa pamamagitan ng lakas.

Berting - (Paghanga.) Talagang wala nang lalakas pa sa iyo, ano 'Tay?

Bernardo - A-ha…totoo iyang sinabi mo.

Berting - Miski na pulis, takot sa iyo, ano 'Tay?

Bernardo - A-ha…kahit pulis, tao rin siya, hindi ba? Pulis man ay ayaw masasaktan, Berting.

Berting - Pag laki ko 'Tay, ay magiging malakas akong katulad mo.

Bernardo - A-ha…iyan ang mabuti, anak. Maging malakas ka at ikaw'y magkakaroon ng isang kapangyarihan upang ikaw'y hindi maging api-apihan.

Berting - Pero, 'Tay, basta ba't malakas ay tama na?

Bernardo - Iyan ang tama, Berting. Sa buhay na ito ay ang lakas ang matuwid.

Berting - Tayna, 'Tay, sa bahay na ako mag-eensayo para lumakas.

Bernardo - A-ha…Tayo na…
(Si Berting ay Susunod nang papasok sa loob, sa gawing kaliwa ng tanghalan mawawala.)
(Paglingan niya'y matatanaw ang pagkasagupa ng isang awtomobil sa kaniyang anak.) Berting!

Unang Bata - (Maririnig ang biglang langitngit ng preno at ang sigaw ni Monching.) Nasagasaan si Berting!
(Si Bernardo ay parang mapapako. Hindi siya makakilos hanggang sa lumabas si Joseng Arbularyo na taglay sa kaniyang mga bisig ang walang-malay na si Berting.)

J. Arbularyo(Pagkababa kay Berting sa isang karita.) Nag-aagaw buhay siya…

Bernardo - (Parang naalimpungatan.) Mang Jose, iligtas ninyo siya…agawin ninyo sa kamatayan ang aking si Berting.

JArbularyo - (Iiling) Wala akong kapangyarihan sa buhay at kamatayan, Mang Bernardo…(Susuriin si Berting) Mang Bernardo, huwag kayong mabibigla, lasug-lasog ang mga buto sa kaniyang katawan.
(Ang mga bata ay Lalabas, malungkot na titingin kay Berting.)

Berting - (Paanas) 'Tay, kargahin mo ako…iuwi mo ako…
(Kikilos si Bernardo. Dahan-dahang niyang inaangat ang katawan ni Berting ngunit parang nangangapos ang kaniyang lakas.)

Berting - 'Tay…ako lang…hindi ninyo mabuhat. Hindi ba…malakas kayo.
(Sisikapin ni Bernardong mabuhat si Berting. Ang tanging nagawa niya'y mapayuko sa panghihina.)

BertingMalakas ka naman…'Tay, ipakita mo nga…sa aking mga kaibigan…ang iyong lakas. Buhatin mo…ako…'Tay.
(Hindi nakatagal sa pagmamasid si J. Arbularyo. Tinawag niya ang mga bata. Aalis lahat sa tanghalan.)

Berting - (Pahikbi at mahinang mahina.) 'Tay…Iuwi mo na ako!
(Mangiyak-ngiyak at pinapawasan, sinikap ni Bernardong buhatin ang kanyang anak. Hindi niya mahawakan ang luray na katawang tuwi niyang hihipuin ay parang kinikilig siya.)
(Maririnig - Tinig ng Pastor) - Bernardo, ang lakas ng kapangyarihang hindi natin nakikita ang nakapangyayari sa lahat. Ang lahat ng lakas ay nagmumula sa Kaniya.

Bernardo(Nakatingin sa kaitasaan) Ngunit ang pagtitiwala ni Berting sa aking lakas, ang pagtitiwala niya'y huwag Mo pong bawiin…Huwag Mo pong itulot na masiphayo ang kanyang pag-asa sa kahuli-hulihang tibok ng kanyang puso…
(Maririnig na Tinig) …… Nasa Kaniyang kapangyarihan ang lahat, Bernardo. Nasa lakas ng Kaniyang kapangyarihan.
(Uulitin ni Bernardo ang pagbuhat sa durog na katawan ni Berting. Halos hindi niya maiaangat ang katawang iyon, parang napakabigat ng kaniyang dala. Gumalaw siya upan humakbang ngunit sa bawat hakbang ay parang mababagsak ang kanyang dala.)

Bernardo - (Sa tinig na punung-puno ng pagpapakumbaba.) Diyos ko, bigyan Mo po ako ng lakas!
(Samantalang dahan-dahang lumalakad si Bernardo na luhaan ang mga mata, at sa kaniyang mga bisig ay taglay ang pinakamabigat na dalahin - ay laladlad ANG TABING.)


WAKAS . . . . .

1 komento: